Monday, 25 July 2011

President Noynoy Aquino State of the Nation (SONA) 2011 Transcript and Video

President Noynoy Aquino State of the Nation (SONA) 2011 Transcript and Video

Part 1



Part 2


Here’s the 2011 NoyNoy SONA full transcript:
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice Renato Corona at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kasapi ng diplomatic corps; mga butihing miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga Local Government officials; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan;
At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:
Humarap po ako sa inyo noong aking inagurasyon at sinabing: Walang wang-wang sa ating administrasyon. At ngayon, patuloy nating itinitigil ito. Naging hudyat at sagisag po ito ng pagbabago, hindi lamang sa kalsada, kundi pati na rin sa kaisipan sa lipunan.
Sa matagal na panahon, naging simbolo ng pang-aabuso ang wang-wang. Dati, kung makapag-counterflow ang mga opisyal ng pamahalaan, para bang oras lang nila ang mahalaga. Imbes na maglingkod-bayan, para bang sila ang naging hari ng bayan. Kung maka-asta ang kanilang mga padrino’t alipores, akala mo’y kung sinong maharlika kung humawi ng kalsada; walang pakialam sa mga napipilitang tumabi at napag-iiwanan. Ang mga dapat naglilingkod ang siya pang nang-aapi. Ang panlalamang matapos mangakong maglingkod—iyan po ang utak wang-wang.
Wala silang karapatang gawin ito. Ayon sa batas, tanging ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, House Speaker, Chief Justice, at pulis, bumbero, at ambulansya lang ang awtorisadong gumamit ng wangwang para sa kanilang mga opisyal na lakad. Kung sa trapiko nga ay di masunod ang batas, paano pa kaya sa mga bagay na mas malaki ang makukuha, tulad ng sa mga proyektong pinopondohan ng kaban ng bayan?
Kayo po ba gusto ninyong makulong ang lahat ng tiwali? Ako rin. Gusto ba ninyong matanggal ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada, kundi sa kaisipang nagdulot ng baluktot na sistema na pagkatagal-tagal na nating pinagtiisan? Ako rin. Gusto po ba ninyong mabigyan ng patas na pagkakataon ang lahat na umasenso? Ako rin.
Narito po ang halimbawa ng resulta ng ating kampanya kontra wang-wang sa sistema. Nitong taong ito, taumbayan na mismo ang nagsabi, nabawasan ang nagugutom sa kanila. Mula 20.5% na self-rated hunger noong Marso, bumaba na ito sa 15.1% nitong Hunyo, katumbas ng isang milyong pamilyang Pilipinong nagugutom dati, pero ngayon ay nakakakain na nang tama kada araw.
Sa larangan po ng negosyo, sino ba ang nag-akalang pitong ulit nating malalampasan ang all-time-high ng stock market? Ang dating 4,000 index na inaakalang hindi maaabot, o kung maabot man ay pansamantala lang, ngayon, pangkaraniwan nang hinihigitan.
Kung dati napako na ang bansa sa mababang credit ratings, itinaas ng Moody’s, Standard and Poors, Fitch, at Japan Credit Ratings Agency ang ating ranking, bilang pagkilala sa ating tamang paggugol ng pondo at sa malikhain nating pananalapi. Ang mataas na credit rating, magpapababa ng interes sa perang inuutang natin. Kumpara sa unang apat na buwan ng nakaraang taon, mas malaki po ng 23 billion pesos ang natipid nating interest payments mula Enero hanggang Abril ng 2011. Maaari na po nitong sagutin ang dalawang milyon at tatlongdaan libong benepisyaryo ng CCT hanggang sa katapusan ng 2011.
Paalala ko lang po, sa siyam at kalahating taon bago tayo maitalaga sa puwesto, iisang beses lang tayong nakatikim ng ratings upgrade, at anim na beses pang na-downgrade ng iba’t ibang ratings agency. Sa isang taon pa lang po natin, apat na beses na tayong nabigyan ng upgrade. Alam naman po natin na hindi madaling ma-upgrade sa panahon ngayon. Itong mga ratings agency, nabatikos na mali raw ang payo bago magkakrisis sa Amerika, kaya ngayon ay mas makunat na sila sa pagbibigay ng magandang ratings, at nakikita nga natin ito sa sunud-sunod na pag-downgrade sa ibang bansa. Pero tayo po, inupgrade pa nila. Sang-ayon silang lahat: gumanda at lalo pang gaganda ang ekonomiya ng Pilipinas. Isang hakbang na lang po, aabot na tayo sa investment grade, at wala pong tigil ang ating economic team upang tuluyan na tayong makaarangkada.
At may mabubuting balita pa pong parating. Dahil wala nang wang-wang sa DOE, muling nabuhay ang kumpiyansa ng mga namumuhunan sa ating energy sector. Patunay dito ang isandaan at apatnapung kumpanya na nakahandang tumaya sa eksplorasyon at pagpapalakas ng ating oil at natural gas resources. Sa huling energy contracting round noong 2006, tatlumpu’t lima lang po ang nakilahok. Nitong Biyernes lamang po, nilagdaan na ang panibagong kasunduan para sa isang bagong power plant sa Luzon grid upang pagdating ng 2014, may mas mura at mas maaasahang pagmumulan ng enerhiya ang bansa.
May kumpiyansa, may pag-asa, at tinutupad po natin ang ating mga pangako. Naaalala ko nga po ang babaeng nakausap ko nang ako’y unang nagha-house-to house campaign. Ang kaniyang hinaing: “Miski sino naman ang manalo, pare-pareho lang ang kahihinatnan. Mahirap ako noong sila ay nangangampanya; mahirap ako habang nakaupo sila, at mahirap pa rin ako pag nagretiro na sila.” Sa madaling salita, ang hinaing po ng marami, “Walang pakialam ang mga pinuno namin kahapon, wala silang pakialam ngayon. Bukas, wala pa rin silang pakialam.”
Di po ba’t may katuwiran naman siya sa pagsasabi nito, dahil sa pagwawang-wang sa mga ahensya ng gobyerno? Wang-wang po ang pagbili ng helicopter sa presyong brand new, pero iyon pala ay gamit na gamit na. Wang-wang ang milyun-milyong pabuya na tinanggap ng mga opisyal ng GOCC, tulad ng sa Philippine National Construction Corporation, gayong hindi naman sila nakapaghandog ng disenteng serbisyo, at ibinaon pa sa utang ang kanilang mga ahensya. Bago sila bumaba sa puwesto, dalawandaan, tatlumpu’t dalawang milyong piso po ang inomento ng dating pamunuan ng PNCC sa kanilang sarili. 2007 pa lang po, wala na silang prangkisa; lahat ng kikitain, dapat diretso na sa pambansang gobyerno. Hindi na nga nag-abot ng kita, sinamantala pa ang puwesto. Ang bonus nila mula 2005 hanggang 2009, dinoble pa nila sa unang anim na buwan ng 2010. Ibinaon na nga po nila sa bilyun-bilyong pisong utang ang kanilang tanggapan, nasikmura pa nilang magbigay ng midnight bonus sa sarili.
Para po pigilan ang pagwang-wang sa kaban ng bayan, sinuyod at sinuri natin ang mga programa. Dalawang magkasunod na taon na po nating ipinatutupad ang zero-based budgeting, na nagsisilbing kalasag sa walang-saysay na paggastos.
Sa Laguna Lake po, magtatanggal nga ng 12 million cubic meters sa dredging, pero pagkatapos ng tatlong taon, garantisado naman itong babalik. 18.7 billion pesos ang magiging utang natin para lang maglaro ng putik. Hindi pa bayad ang utang, nag-expire na ang pakinabang. Pinigilan po natin iyan. Ang food-for-school program na bara-bara lang ang paghahanap ng benepisyaryo, at iba pang inisyatibang pinondohan ngunit walang pinatunguhan—binura na natin sa budget upang ang pera namang nalibre, ay mailaan sa mga proyektong totoong may silbi.
Ang budget po ang pinakamalinaw na pagsasabuhay ng ating tuwid na landas. Ang aking pahiwatig sa lahat ng gusto pang ilihis tayo rito: Kung mang-aagrabyado ka lang ng mahirap, huwag ka nang magtangka. Kung sarili mo lang ang papayamanin mo, huwag ka nang magtangka. Kung hindi iyan para sa Pilipino, huwag ka nang magtangka.
Sana masabi na natin na tapos na ang utak wang-wang, pero nakikita po natin ang latak ng ganitong kaisipan na pilit bumubulahaw sa aliwalas ng ating biyahe sa tuwid na landas.
Mukhang marami rin po kasi ang nagwawang-wang sa pribadong sektor. Ayon sa BIR, mayroon tayong halos 1.7 million na self-employed at professional tax payers gaya ng mga abogado, doktor, negosyante na nagbayad lamang, sa suma total, ng 9.8 billion pesos noong 2010. 5,783 pesos lang ang ibinayad na income tax ng bawat isa sa kanila—ang ibig sabihin, kung totoo po ito, ang kabuuang kita nila ay umaabot lang ng 8,500 pesos lamang kada buwan. Mababa pa sa minimum wage. Naman.
Nakikita naman po ninyong napupunta na sa tama ang buwis ninyo, kaya wala na pong dahilan upang iwasan natin ang pagbabayad. Nananawagan po ako sa inyo: Hindi lang po gobyerno, kundi kapwa natin Pilipino ang pinagkakaitan sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Pinananagot at pananagutin po natin ang wang-wang saanmang sulok ng gobyerno. Ang masakit, hanggang sa mga araw pong ito, may sumusubok pa ring makalusot. Mayroon nga pong isang distrito sa Region 4B, may proyektong gagastusan ng 300 million pesos. Kaso hanggang 50 million pesos lang ang puwedeng aprubahan ng district engineer.
Kaya naisip nilang ichop-chop ang proyekto para di lumampas sa 50 million pesos ang halaga, at di na umabot sa regional at central office ang mga papeles. Kani-kaniyang diskarte, kani-kaniyang kaharian ang nadatnan nating situwasyon sa DPWH. Sinubukan nilang ipagpatuloy ang nakasanayan na nila. Kadalasan, dahil sa lump-sum na pagbibigay ng pondo, wala nang tanung-tanong kung ano ang plano at detalye ng proyekto. Miski yata bahay ng gagamba ang ipapatayo, bibigyan ng pondo, basta may padrino.
Hindi ito pinalusot ni Secretary Babes Singson. Tinanggal na niya sa puwesto ang district engineer. Pinigilan din po ang pag-award ng proyektong ito para busisiin kung ano pang magic ang nangyari. Masusi na ring iniimbestigahan lahat ng nagkuntsabahan. Ang mga kontratistang mapatunayang nakipagsabwatan para mag-tongpats sa mga proyekto, ibablack-list natin.
Tingnan nga po ninyo ang idinulot na perhuwisyo ng pagwawang-wang sa sistema: Tuloy ang pagdusa ng mamamayang dapat nakikinabang na sa proyekto ng bayan.
Hindi lang po iyan sa region 4B nadiskubre. Ngunit natigil na po ito dahil hindi na padrino kundi tamang proseso ang naghahari sa DPWH. Hindi na puwedeng walang work program; kailangang magpakita ng pinag-isipang plano para hindi magkasalungat ang pagsasagawa ng mga proyekto. Malinis at hayag na ang bidding, at pantay na ang pagkakataon sa pagpasok ng mga kontratista.
Sa sistemang pinaiiral ngayon sa DPWH, nakatipid na tayo ng dalawa’t kalahating bilyong piso, at umaasa tayo na aabot pa sa anim hanggang pitong bilyong piso ang matitipid sa taon na ito. Ang pinakamahalaga po, nakakaasa na tayo sa mga kalsadang matino, hindi ‘yung maambunan lang ay lulundo o mabibiyak agad. Paniwala natin dati, imposibleng maitama ng DPWH ang sistema nila. Hindi lang po ito posible; sa unang taon pa lamang, ginagawa na natin ito.
Kahit po sa mga bukirin, may mga nagwawang-wang din. Bago tayo maupo noong 2010, nag-angkat ang bansa ng 2.3 million metric tons ng bigas. 1.3 million metric tons lamang ang kailangan nating angkatin, ngunit pinasobrahan pa nila ito ng isang milyon. Dahil nga sobra-sobra ang inangkat, kinailangan pa nating gumastos muli sa mga bodegang pagtatambakan lang naman ng barko-barkong bigas.
Ilang taon bang walang saysay na pinasobrahan ang bigas na inaangkat? Dahil dito, umiral ang pag-iisip na habambuhay na tayong aangkat ng bigas. Ang akala ng marami, wala na talaga tayong magagawa.
Ngunit sa loob lamang ng isang taon, pinatunayan nating mali sila. Ngayon, ang dating 1.3 million metric tons na kakulangan natin sa bigas, halos nangalahati na; 660,000 metric tons na lang po ang kailangan nating angkatin. Kahit dagdagan pa natin iyan ng panangga laban sa sakuna at gawing 860,000 metric tons—na ginagawa na nga po natin—mas mababa pa rin ito sa tinatayang taunang kakulangan na 1.3 million metric tons.
At hindi po buwenas lang ang nangyaring pag-angat ng ating rice productivity. Bunga po ito ng matinong pamamalakad: ng paggamit ng maiinam na klase ng binhi, at masusi at epektibong paggastos para sa irigasyon. Nito nga pong nakaraang taon, labing-isang libo, animnaraan at labing-isang bagong ektarya ng bukirin ang napatubigan natin. Dagdag pa iyan sa halos dalawandaan at labindalawang libong ektarya na nakumpuni o nabigyang muli ng irigasyon matapos ang panahon ng pagkakatiwangwang. Ang resulta: umangat ng 15.6% ang inani nating palay noong nakaraang taon.
Ang gusto nating mangyari: Una, hindi tayo aangkat ng hindi kailangan, para lang punan ang bulsa ng mga gustong magsariling-diskarte ng kita sa agrikultura. Ikalawa: Ayaw na nating umasa sa pag-angkat; ang isasaing ni Juan dela Cruz, dito ipupunla, dito aanihin, dito bibilhin.
Balikan din po natin ang dinatnang kalagayan ng ating mga kawal at kapulisan. Labingtatlong libong piso po ang karaniwang suweldo ng isang PO1 sa Metro Manila. Apat na libong piso daw rito ang napupunta sa upa ng bahay. Tila tama nga po na isang-katlo ng kanilang sahod diretso na sa upa. Isang-katlo pa nito, para naman sa pagkain. At ang natitirang isang-katlo, para sa kuryente, tubig, pamasahe, pampaaral sa anak, gamot sakaling may magkasakit, at iba pa. Maganda na nga po kung tumabla ang kita niya sa gastusin. Kapag naman kinapos, malamang sa five-six po sila lalapit. At kapag nagpatung-patong ang interes ng utang nila, makatanggi kaya sila sa tuksong dumelihensya?
Kaya ang ipinangako nating pabahay nitong Pebrero, ngayong Hulyo ay tinutupad na. Nakapag-abot na po tayo ng apat na libong Certificate of Entitlement to Lot Allocation sa magigiting nating kawal at pulis. Bahagi pa lang po ito ng target nating kabuuang dalawampu’t isang libo at walong daang bahay sa pagtatapos ng taong ito. Ang dating apatnalibong ibinabayad para sa upa kada buwan, ngayon, dalawandaang piso na lang, para pa sa bahay na pagmamay-ari talaga nila. Ang dating nalalagas na halaga na pambayad sa buwanang renta, maaari nang igugol para sa ibang gastusin.
Mayroon pa raw pong mahigit isang libong bahay na natitira, kaya po sa mga pulis at sundalo nating di pa nakakapagpasa ng papeles, last call na po para sa batch na ito. Pero huwag po kayong mag-alala, sa susunod na taon, lalawak pa ang ating pabahay, at hindi lang pulis at kawal sa Luzon ang makikinabang. Inihahanda na ng NHA ang lupang patatayuan sa Visayas at Mindanao, para sa susunod na taon, makapagpatayo na tayo ng mga bahay doon. Sa ating mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection, may good news po ako: kasama na po kayo rito.
Kung seguridad na rin lang po ang ating pag-uusapan, di ba’t karugtong din nito ang ating pambansang dangal? Dati, hindi man lang natin makuhang pumalag tuwing may sisindak sa atin sa loob mismo ng ating bakuran. Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa buong mundo: Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue.
Tama nga po kaya ang kuwento tungkol sa isang stand-off noong araw? Tinapatan daw ang mga marino natin ng kanyon. Ang ginawa nila, pumutol ng puno ng niyog, pininturahan ito ng itim, saka itinutok sa kalaban. Tapos na po ang panahong iyan. Parating na ang mga capability upgrade at modernization ng mga kagamitan ng ating Sandatahang Lakas. Literal na pong naglalakbay sa karagatan papunta rito ang kauna-unahan nating Hamilton Class Cutter, isang mas modernong barko na magagamit natin para mabantayan ang ating mga baybayin. Maaari pa po tayong makakuha ng mga barkong tulad nito. Idadagdag iyan sa kukunin na nating mga helicopter, patrol craft, at sandata na bultong bibilhin ng AFP, PNP, at DOJ upang makakuha ng malaking diskuwento. Lahat po ito, makakamtan sa matinong pamamahala; mabibili sa tamang presyo, nang walang kailangang ipadulas kung kani-kanino.
Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang atin. Pinag-aaralan na rin po natin ang pag-angat ng kaso sa West Philippine Sea sa International Tribunal for the Law of the Sea, upang masigurong sa mga susunod na pagkakataon ay hinahon at pagtitimpi ang maghahari tuwing may alitan sa teritoryo.
Alam ko pong magbubunga ang pag-aarugang ipinapamalas natin sa mga lingkod-bayan na nakatutok sa ating seguridad. Mantakin po ninyo: sa unang anim na buwan ng 2010, umabot sa isanlibo at sampung (1,010) kotse at motorsiklo ang nanakaw. Ikumpara po natin iyan sa apatnaraan at animnapung (460) kotse at motorsiklong nanakaw mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito. Ang laki po ng naibawas. Malas ko lang po siguro na ‘yung isa o dalawang kaso ng carnapping ang nai-heheadline, at hindi ang pagbawas sa mga insidente nito o ang mas mataas na porsyento ng mga nanakaw na kotse na naibalik sa may-ari.
Isa pa pong halimbawa ng pagbabagong tinatamasa natin: Mayo ng 2003 nang lagdaan ang Anti-Trafficking in Persons Act, pero dahil hindi sineryoso ng estado ang pagpapatupad nito, dalawampu’t siyam na indibiduwal lamang ang nahatulan sa loob ng pitong taon. Nalagpasan na po natin iyan, dahil umabot na sa tatlumpu’t isang human traffickers ang nahatulan sa ating administrasyon. Ito na po siguro ang sinasabing “sea change” ni Secretary of State Hillary Clinton ng Amerika. Dahil dito, natanggal na tayo sa Tier 2 Watchlist ng Trafficking in Persons Report nila. Kung hindi tayo natanggal sa watchlist na ito, siguradong napurnada pa ang mga grant na maaari nating makuha mula sa Millenium Challenge Corporation at iba pa.
Dumako po tayo sa trabaho. Dagdag-trabaho ang unang panata natin sa Pilipino. Ang 8% na unemployment rate noong Abril ng nakaraang taon, naibaba na sa 7.2% nitong Abril ng 2011. Tandaan po natin: moving target ang nasa hanay ng ating unemployed, dahil taun-taon ay may mga bagong graduate na naghahanap ng trabaho. Nito nga pong huling taon, nadagdag pa sa bilang nila ang libu-libong hawi boys, tagasabit ng banderitas, at iba pang mga Pilipinong kumuha ng pansamantalang kabuhayan mula sa eleksyon. Ang resulta po natin: Isang milyon at apatnaraang libong trabahong nalikha nitong nakaraang taon.
Dati, nakapako sa pangingibang-bansa ang ambisyon ng mga Pilipino. Ngayon, may pagpipilian na siyang trabaho, at hangga’t tinatapatan niya ng sipag at determinasyon ang kanyang pangangarap, tiyak na maaabot niya ito.
Malaki pa po ang puwedeng madagdag sa trabahong nalilikha sa ating bansa. Ayon pa lang po sa website nating Philjobnet, may limampung libong trabahong hindi napupunan kada buwan dahil hindi tugma ang kailangan ng mga kumpanya sa kakayahan at kaalaman ng mga naghahanap ng trabaho. Hindi po natin hahayaang masayang ang pagkakataong ito; ngayon pa lang, nagtatagpo na ang kaisipan ng DOLE, CHED, TESDA, at DEPED upang tugunan ang isyu ng job mismatch. Susuriin ang mga curriculum para maituon sa mga industriyang naghahanap ng empleyado, at gagabayan ang mga estudyante sa pagpili ng mga kursong hitik sa bakanteng trabaho.
Ngunit aanhin naman po natin ang mga numerong naghuhudyat ng pag-asenso ng iilan, kung marami pa rin ang napag-iiwanan? Ang unang hakbang: tinukoy natin ang totoong nangangailangan; namuhunan tayo sa pinakamahalaga nating yaman: ang taumbayan. Sa dalawang milyong pamilyang rehistrado sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program, isang milyon at animnaraang libo na ang nakakatanggap ng benepisyo nito. Sa pagpapakitang-gilas ni Secretary Dinky Soliman, tinatayang may mahigit isandaang libong pamilya ang naiaahon natin mula sa kahirapan kada buwan. Kaya naman mataas ang aking kumpiyansang makukumpleto ang 1.3 million na dagdag na pamilya, mula sa kabuuang 2.3 milyong pamilyang target na benepisyaryo ng CCT bago matapos ang taong ito. At sa compliance rate nito na hindi bababa sa 92%, milyun-milyon na rin po ang inang regular na nagpapacheck-up sa mga health center, ang mga sanggol na napabakunahan, at ang mga batang hindi hinahayaan sa labas ng paaralan.
Simula pa lang po ito, at sa ganitong kalinaw na mga resulta, umaasa ako sa suporta ng bawat Pilipino, lalo na ng lehislatura, sa mungkahi nating salinan pa ng pondo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Inaasam po natin na bago matapos ang 2012, tatlong milyong pamilya na ang mabibigyan ng puhunan para sa kanilang kinabukasan.
Binibigyan natin ang mga maralitang pamilyang ito ng pagkakataong makaahon sa buhay, dahil ang pag-asenso nila ay pag-angat rin ng buong bansa. Sino ang tatangkilik sa mga produkto at serbisyo ng mga negosyante, kung isang kahig, isang tuka naman ang mamimili? Kapag may amang kumakapit sa patalim para may kainin ang kanyang pamilya, at siya ay nagnakaw o nangholdap, sino ba ang puwedeng mabiktima ng krimen kundi tayo rin? Kung ang mga kababayan natin ay walang maayos na pagkain o tahanan, mahina ang kalusugan at may malubhang karamdaman, hindi ba’t tayo rin ang nasa peligrong mahawa sa kanilang kapansanan?
Naglalatag po tayo ng pagbabago upang mas mapatibay ang pundasyon ng maaliwalas na bukas para sa lahat. Halimbawa, sa kalusugan: Di ba’t kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga benepisyaryo ng PhilHealth tuwing maghahalalan? Ngayon, sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR), tiniyak natin na ang limang milyon at dalawandaang libong pamilyang Pilipino na nakikinabang sa PhilHealth ay ang talagang mga nangangailangan nito. Malawakang pag-unlad at pag-asenso ng lahat: Iyan po ang panata natin. Walang maiiwan sa tuwid na landas.
Tumungo naman po tayo sa ARMM. Ang dating sistema: Nagbabatuhan lang ng huwad na utang ng loob ang mga baluktot na kandidato. Kapag pambansang halalan, malaya ang nakaupo sa ARMM na imane-obra ang makinarya sa kaniyang rehiyon para matiyak na bokya ang boto ng mga hindi kaalyado. Kapag naman eleksyon sa ARMM at maniningil na ng utang si Mayor o Governor, ang administrasyon naman ang magpapatakbo ng makinarya para manalo ang kanilang kandidato.
Ayon nga po sa naungkat ng COA, sa opisina ng regional governor ng ARMM, mula Enero 2008 hanggang Setyembre 2009, walumpung porsyento ng mga disbursement ang napunta sa mga cash advance na wala namang maayos na paliwanag. Kung hindi nawala ang pondong ito, nakatapos na sana ang isang batang tumawid sa ghost bridge, para pumasok sa ghost school, kung saan tuturuan siya ng ghost teacher. Walang humpay na paghihirap, at walang pag-asa ng pag-asenso.
Gusto nating maranasan ng ARMM ang benepisyo ng tamang pamamahala. Kaya ang solusyon: synchronization. Dahil dito, kailangan nilang tumutok sa kani-kanilang mga kampanya; magiging mas patas ang labanan, at lalabnaw ang command votes. Salamat sa Kongreso at naipasa na ang batas na magsasabay ng halalan sa ARMM sa halalang pambansa.
At bakit po postponement ang kailangan? Sa kagustuhang makabalik sa puwesto, nakahanda ang ilan na ulitin ang nakagawian para manalo. Isipin na lang po ninyo kung pumayag tayo sa kagustuhan ng mga kontra, at itinuloy natin ang eleksyon. Wala po silang ibang gagawin sa loob ng dalawang taon kundi paghandaan ang susunod na halalan at isiksik ang kalokohan nila sa mas maigsing panahon. Habang nananatili sa pwesto ang mga utak wang-wang na opisyal, naiiwan namang nakalubog sa kumunoy ng kawalang-pagasa ang taumbayan.
Wala akong duda sa kahihinatnan ng mga repormang inilatag natin. Hindi po tayo nagbubukambibig lang; may kongkretong resulta ang ating mga paninindigan. Kapag sinabi nating tuwid na daan, may katapat itong kalsada sa Barangay Bagumbayan sa Sta. Maria, Laguna. Kapag sinabi nating malinis na pamamahala, may dadaloy na malinis na tubig sa mga liblib na lugar gaya ng nasa Barangay Poblacion, sa Ferrol, Romblon. Kapag sinabi nating liwanag ng pagbabago, titiyakin nating may liwanag na tatanglaw sa mga pamayanang dati ay nangangapa sa aandap-andap na gasera, gaya ng ginawa natin sa Barangay San Marcos, sa Bunawan, Agusan del Sur. Ganito na ang nangyayari sa marami pang ibang lugar; pinipilit nating ito rin ang mangyari sa kabuuan ng Pilipinas.
Nakatutok na po ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno; nag-uugnayan at nagtutulungan sila upang maabot at mapabilis ang mga solusyon sa mga problemang kaytagal nang pinapasan ng bayan.
Di po ba’t may problema tayo sa baha, na alam naman nating dulot ng walang humpay at ilegal na pagputol ng mga puno? Ang dating solusyon: photo-op ng pagtatanim na ang tanging benepisyaryo ay nagpapapoging pulitiko. Nagtanim nga ng puno kontra-baha, pero hindi naman siniguro na mananatiling nakatayo ang mga ito pag-alis nila.
Isa sa mga solusyong pinag-aaralan ay ang gawing kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ang pagbabantay ng puno. Bibigyan sila ng binhi ng kape at cacao para itanim at mamunga ng kabuhayan. Habang hinihintay ang ani, makakakuha sila ng stipend upang bantayan naman ang mga punong itinanim laban sa baha. Puwedeng maging benepisyaryo ng programang ito ang mga informal settlers, na ngayon ay nagkukumpulan sa siyudad. Mamumuhunan tayo sa taumbayan, habang namumuhunan din sa kalikasan.
Noon bang isang taon, inisip ninyo na kaya nating gawin ito? Sa ngayon, tinutupad na natin ang ating mga pangako. Bukas makalawa, katotohanan na ang lahat ng ito.
Marami pa pong malikhaing konsepto na inilalapit sa atin. May mosquito trap na pinapatay ang mga kiti-kiti ng lamok, na siguro naman po ay may kinalaman sa halos labing-apat na porsiyentong pagbaba ng insidente ng dengue; may hibla ng niyog na itatapon na sana, pero puwede palang murang solusyon sa mga daanang madaling mabitak; may landslide sensor na magbababala kung tumaas na ang panganib na gumuho ang lupa; may mga kagamitang magbibigay ng senyales kung malapit nang umapaw ang tubig sa mga ilog. Lahat po ito, gawa ng Pilipino.
Pinag-aaralan na rin po ng DOST at UP ang pagkakaroon ng monorail system, para tugunan ang problema sa pangmalawakang transportasyon. Sa malikhaing pag-iisip ng kapwa Pilipino, may pag-asa palang magtayo ng light rail system nang hindi hihigit sa 100 million pesos ang gagastusin kada kilometro. Sa matitipid na pondo, mas mahabang kilometro ng riles ang mailalatag at makaka-abot sa mga lugar na malayo sa sentro ng komersyo. Ang mga dating sumisiksik sa siyudad para maghanap ng trabaho, maaari nang tumira sa malayo, nang hindi pahirapan ang biyahe.
Uulitin ko po: ang mungkahing ito ay galing sa kapwa natin Pilipino, para sa Pilipinas. Naaalala po ba ninyo ang panahon kung kailan ni hindi man lang maabot ng mga pangarap natin ang ganitong mga proyekto? Ngayon, sinasabi ko sa inyo: pinapangarap natin ito, kaya natin ito, gagawin natin ito. Hindi ba tayo nagagalak, Pilipino tayong nabubuhay sa ganitong panahon?
Sa kabila ng lahat ng ito, huwag po sana nating lilimutin: masasayang lang ang lahat ng ating narating kung hindi tuluyang maiwawaksi ang kultura ng korupsyon na dinatnan natin.
Sa mga kapwa ko empleyado ng sambayanan, mula sa tuktok hanggang sa bawat sulok ng burukrasya: Di po ba’t napakarangal na ngayon ang magtrabaho sa gobyerno? Di po ba’t ngayon, sa halip na ikahiya, gusto mo pang isuot ang iyong ID kung sumasakay ka ng bus o jeep papasok sa iyong ahensya? Sasayangin po ba natin ang karangalang kaloob sa atin ng sambayanan?
Iyan din po ang aking panawagan sa ating Local Government Units. Kabilang po ako sa mga sumasang-ayon na kayo ang pinaka-nakakaalam sa pangangailangan ng taumbayan sa inyong mga lungsod at munisipyo. Makakaasa po ang ating mga LGU sa higit na kalayaan at kakayahan, kung makakaasa rin tayong gagamitin ito sa tuwid na paraan, at isasaalang-alang ang kapakanan ng buong sambayanan.
Halimbawa po, may ilang munisipyo na naisipang magbuwis sa mga transmission lines ng kuryente na dadaan sa kanilang mga pook. Magpapasok nga po ng kita sa kanilang lokal na kaban, pero kapalit nito, tataas din ang gastusin ng mas nakararaming Pilipino sa kuryente. Tiwala po akong kaya nating balansehin ang interes ng inyong mga nasasakupan sa interes ng sambayanan.
Kailangan pong manatiling magkatugma ang ating mga programa, dahil ang ikauunlad ng buong bansa ay manganganak din ng resulta sa inyong mga pook. Wakasan na po sana natin ang agendang nakatuon sa susunod na eleksyon lamang, at ang kaisipang isla-isla tayong maihihiwalay ang sariling pagsulong sa pag-unlad ng bansa.
Tayo-tayo rin po ang dapat magtulungan tungo sa kaunlaran. Malaki ang pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa ng mga batas ukol sa GOCC Governance, ARMM Synchronization, Lifeline Electricity Rates Extension, Joint Congressional Power Commission Extension, Children and Infants’ Mandatory Immunization, at Women Night Workers.
Noong isang taon nga po, nagpakitang-gilas ang Kongreso sa pagpasa ng budget bago matapos ang taon. Dahil dito, nasimulan agad ang mga proyekto at hindi na inabot ng tag-ulan. Bukas na bukas po, ihahain na namin sa lehislatura ang budget para sa susunod na taon. Umaasa po ako na muli kayong magpapakitang-gilas, upang tuluyan na nating mapitas ang bunga ng mga naitanim nating pagbabago.
Maganda na po ang ating nasimulan. Pero mahalaga pong maalala natin: simula pa lang ito. Marami pa tayong gagawin. Hayaan po ninyong ilatag ko sa Kongreso ang ilan sa mga batas na magpapaigting sa pagtupad ng ating panata sa bayan.
Layon nating bigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga biktima ng Martial Law; ang pagkakaloob ng makatarungang pasahod at benepisyo para sa mga kasambahay; at ang pagpapatupad ng isang mas maayos na sistema ng pensyon para sa mga kawal. Sinusuportahan din natin ang pagpapalawak ng sakop ng scholarship na ipinagkakaloob ng DOST sa mahuhusay ngunit kapuspalad na mag-aaral; ang pagtataguyod ng pinaigting na pangkalahatang kalusugan; at ang pangangalaga sa ating kalikasan at sa mga pasilidad na titiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan sa oras ng sakuna.
Kabilang din po sa ating agenda ang pagpapalakas ng BuCor, ng NBI, ng NEA, at ng PTV 4, upang sa halip na mapag-iwanan ng kaalaman at panahon, mas maayos nilang magagampanan ang kanilang pagbibigay-serbisyo sa publiko.
Hindi ko po nailagay ang lahat ng gustong magpasali ng kanilang adbokasiya dito sa SONA. Pero kumpleto po ang detalye sa budget at budget message. Sa mga interesado po, pakibasa na lang.
May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama, at ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali—sino man sila. At hindi lamang dapat ako ang namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.
Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng “Oks lang, wala lang iyan.” Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na umulit muli.
Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin. Halimbawa, sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong: nakakatulog pa po ba kayo?
Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan. Inaasahan ko nga po na sa taon na ito, masasampahan na ng kaso ang lahat ng nagkuntsabahan sa katiwalian, at naging sanhi ng situwasyong ating inabutan. Tapos na rin po ang panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag tayo ang nagsampa, matibay ang ebidensya, malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin.
Tutok tayo na ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi natatapos sa pagsasakdal kundi sa pagkukulong ng maysala. Buo ang kumpiyansa ko na tinutupad ng DOJ ang malaki nilang bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga kaso ukol sa tax evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling, graft and corruption, at extrajudicial killings.
Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuti ring resulta. Isipin po ninyo: naipatupad natin ang mga ipinangakong serbisyo ng gobyerno, at nakapaglaan pa ng sapat na pondo para sa mga proyekto nang hindi kinailangang magtaas ng buwis.
Iyan naman po talaga ang plano: siguruhin na patas ang laban; itigil ang panlalamang ng mga makapangyarihan; at tiyakin na ang dating sistema kung saan nakikinabang ang iilan ay magiging bukal ng oportunidad para sa lahat.
Tinutuldukan na po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng kumpiyansa na magdadala ng negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo ng taumbayan ay mapupunta sa dapat nitong kalagyan: Imprastruktura na titiyak sa tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan ng trabaho, at serbisyong panlipunan na sisigurong walang mapag-iiwanan. Bubukas ang marami pang pintuang pangkabuhayan sa pamamagitan ng turismo; sisiguruhing hindi magugutom ang Pilipino sa pagpapalakas ng agrikultura. Ang mga dating kinakaligtaan, bibigyang-puhunan ang kinabukasan.
Magbubunsod ito ng siklo kung saan tiyak na may pupuno sa mga nalilikhang trabaho, at may mga konsumer na lalong magpapalago sa mga negosyo.
Batid ko po na hanggang ngayon ay may kakaunti pang nagrereklamo sa ating estilo ng pamamahala. Nakita po ninyo ang aming estilo, at ang kaakibat nitong resulta. Nakita po ninyo ang estilo nila, at kung saan tayo nito dinala. Sa mga taong bukas ang mata, maliwanag kung saan ang tama.
Ngayong tayo na ang nagtitimon sa gobyerno, malinaw ang direksyong tinatahak ng ating bayan. Isang bansa kung saan ang pagkakataon ay abot-kamay; kung saan ang mga nangangailangan ay sinasaklolohan; kung saan may saysay ang bawat patak ng pawis, bawat sandali ng pagtitiis, at bawat butil ng hinagpis na dinaanan natin. Kung may gawin kang mabuti, may babalik sa iyong mabuti. At kung may gawin kang masama, tiyak na mananagot ka.
Naaalala ko nga po ang isang ginang na lumapit sa akin noong kampanya; ang babala niya, “Noy, mag-iingat ka, marami kang kinakabangga.”
Tama po ang sabi niya: Tao po akong may agam-agam din. Pero wala po akong alinlangang tumahak sa tuwid na daan: Buo ang loob ko dahil alam kong nasa likod ko kayo.
Salamat po sa mga pari at obispo na masinsinang nakikipagdiyalogo sa atin, katulad nina Cardinal Rosales at Vidal. Di naman po kami ganoong kalapit ni Cardinal Rosales, pero naniniwala akong ibinuhos niya ang lahat para mabawasan ang hindi pinagkakaunawaan ng gobyerno at simbahan. Sa paghahalal kay Archbishop Palma, tagapagtanggol ng karapatang pantao at kalikasan, lalo pong tumibay ang aking kumpiyansang ugnayan, at hindi bangayan, ang mabubuo sa pagitan ng estado at simbahan.
Salamat din po sa ating Gabinete, na walang kinikilalang panahon ng tulog o pahinga, maipatupad lang ang pambansang agenda. Special mention po ang PAGASA, na tunay na ngayong nagbibigay ng maaasahang babala.
At sa mga nasasagasaan po natin sa landas ng katapatan at integridad sa pamamahala, ito naman po ang aking masasabi: Pinili ninyo ang landas kung saan naaapi ang sambayanan. Pinili naman namin ang landas na ipagtanggol ang taumbayan. Nasa tama po kami; nasa mali kayo. Sa inyong magbabalik ng pang-aapi sa sambayan, hindi kayo magtatagumpay.
Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan: Kayo ang lumikha ng pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing mas maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino. Kayo pong mga tsuper na pumapasada pa rin; kayong mga guro at estudyanteng pauwi pa lang mula sa klase; kayong patuloy ang paglikha ng mga obrang nagpapaalab sa apoy ng ating pagka-Pilipino; kayong mga pulis, sundalo, kaminero at bumbero; kayong mga marangal na nagtatrabaho, sa Pilipinas man, sa gitnang dagat, o sa ibang bansa; kayong mga tapat na kasama natin sa gobyerno, anumang probinsya o partido; kayong mga Pilipinong nakikinig sa akin ngayon—kayo po ang lumikha ng pagkakataong ito.
Lumikha po kayo ng gobyernong tunay na nagtatrabaho para sa inyo. May limang taon pa tayo para siguruhing hindi na tayo babalik sa dating kalagayan. Hindi tayo magpapadiskaril ngayong napakaganda na ng resulta ng ating sinimulan.
Kapag may nakita tayong butas sa sistema, huwag na po tayo magtangkang lumusot. Huwag na nating daanin sa pakiusap ang madadaan sa pagsisikap. Tama na ang unahan, tama na ang tulakan, tama na ang lamangan, dahil lahat naman po tayo ay makakarating sa minimithi nating kinabukasan.
Tapusin na po natin ang kultura ng negatibismo; iangat natin ang kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon. Bakit po ang iba, ang hilig maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan? At napakahirap—parang kasalanan—na magsabi ng maganda? Naalala pa po ba natin noong huling beses tayong pumuri sa kapwa Pilipino?
Itigil na po natin ang paghihilahan pababa. Ang dating industriya ng pintasan na hindi natin maitakwil, iwaksi na po natin. Tuldukan na po natin ang pagiging utak-alimango; puwede bang iangat naman natin ang magaganda nating nagawa?
Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito. Kapag nakita mo ang pulis sa kanto, nagtatrapik nang walang kapote sa ilalim ng ulan, lapitan mo siya at sabihing, “Salamat po.”
Kung magkasakit ka at makita mo ang nars na nag-aruga sa iyo, sa halip na magserbisyo sa dayuhan kapalit ng mas malaking suweldo, sabihin mo, “Salamat po.”
Bago ka umuwi galing eskuwela, lapitan mo ang guro mong piniling mamuhunan sa iyong kinabukasan kaysa unahin ang sariling ginhawa; sabihin mo, “Salamat po.” Sa aking guro, Salamat po Ginang Escasa.
Kung makasalubong mo ang iyong kinatawan sa kalsadang dati ay lubak-lubak, at ngayon ay puwede nang daanan nang maaliwalas, lapitan mo siya at sabihing: “Salamat po.”
Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang aking Boss na nagtimon sa atin tungo sa araw na ito: maraming, maraming salamat po sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon.
Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino.

No comments:

Post a Comment